Mahilig bang mag-post sa social media ng mararangyang bakasyon, mga signature na bags at damit at dinner sa mga luxury restaurants at napapa “Sana all” na lang ang marami? Walang dapat ipag-alala kung nagbabayad ng buwis, ngunit kung hindi, panahon na para sumunod muna sa obligasyon ng pagbabayad ng buwis sa Italya bago ang marangyang buhay! Narito ang dahilan kung bakit.
Isang panukala ukol sa paggamit sa social media para tugisin ang mga tax evaders ng mga tax authorities sa Italya! Ito ay posibleng mangyari sa nalalapit na panahon, ayon sa anunsyo ni Economy Deputy Minister Maurizio Leo. Aniya, sinumulan na ang test ng ‘data scraping’ o ang pangangalap ng datos sa web sa pakikipagtulungan ng Garante della Privacy, ang Italian Data Protection Authority.
“Ang tax evasion ay parang isang malaking bato tulad ng terorismo,” ayon pa sa Deputy.
Magiging hindi madali ang dadanasin ng mga nagdedeklara ng maliit at halos kapos na sahod ngunit nakalantad naman sa social media ang marangyang buhay. Gayunpaman, ang panukalang ito ng pagtugis sa mga tax evaders ay nagsanhi ng dibisyon sa majority. Ito ay tinutulan ng ilang senador ng Lega at sinabing ang pagtugis sa mga tax evaders ay magagawa sa pamamagitan ng ‘simplification’
Basahin din: Magkano ang kinikita sa Italya? Narito ang average salary sa iba’t ibang propesyon?
Data scraping laban tax evasion
Samantala, ang Ageniza dell’Entrate at Sogei, mga ahensa sa pagbabayad ng buwis sa Italya, ay nagsimula ng magtrabaho para sa mga bagay na ito at sa katunayan ay nagsimula na rin ang talakayan sa Privacy Guarantor. Ang mga nabanggit na ahensya ay sang-ayon, sa kundisyon na mapapangalagaan ang mga personal datas ng mga mamamayan. Layunin ay ang bigyang pahintulot ang mga ahensya ng gobyerno sa buwis na suriin hindi lamang ang propesyon at kita o sahod ng mga tax payers bagkus pati ang “mahahalagang elemento ng kanilang pamumuhay”.
Isang maselang bagay dahil maaapektuhan nito ang sensitive issue ukol sa confidentiality ng mga personal datas. Ngunit tulad ng nabanggit, nagkaroon na ng mga initial meetings na layuning humantong sa isang kasunduan sa Privacy Protector. Kailangang tuluyang bigyang pahintulot ang mga ahensya sa buwis upang magawa ang data scraping.
Basahin din: Anong bansa sa Europa ang may pinakamataas na minimum wage 2024?