Gaano kalaki ang kailangang kita upang mabuhay nang maayos sa Italya? Ito ang madalas itanong ng marami sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay at lumalaking pangangailangang pinansyal. Harapin ang hamong ito! Mahalaga na isaalang-alang ang halaga ng kita na magbibigay-daan para sa isang mapayapa at komportableng buhay sa modernong lipunan ng Italya.
Basahin din: Magkano ang kinikita sa Italya? Narito ang average salary sa iba’t ibang propesyon?
Ang 50-30-20 rule
Isa sa mga mahalagang elemento para ma-achieve ang layunin ay ang tamang paghawak ng sariling finances: expenses at savings. Ipinapayo ang pagkakaroon palagi ng reserbang pondo sa sariling bank account, upang matiyak ang pagkakaroon ng mahuhugot sakaling magkaroon ng mga hindi inaasahang gastos o emerhensiya. Inirerekumenda ng mga financial experts na ang halagang ito ay dapat na hindi bababa sa tatlo o apat na beses ng monthly expenses, at karagdagang pondo sakaling may emerhensiya.
Kung savings naman ang pag-uusapan, ipinapayo na mag-ipon ng hindi bababa sa 20% ng kita, ayon sa patakaran ng 50-30-20. Sa praktikal na buhay, ito ay nangangahulugan na dapat gastusin ang halos kalahati ng kita sa mga necessities, 30% sa hindi kinakailangang gastusin (tulad ng libangan o paglalakbay), at ang natitirang 20% ay dapat na ilaan sa savings.
Magpatuloy sa pagbabasa sa ibaba ng larawan
Gaano kalaki ang kailangang kita upang mabuhay nang maayos sa Italya?
Pagdating sa minimum na kailangang kita upang mabuhay nang maayos sa Italya, ito ay batay sa indibidwal na kalagayan ng bawat isa, tulad ng bilang ng miyembro ng pamilya na naninirahan sa loob ng iisang tahanan. Gayunpaman, ang isang tao na naninirahang mag-isa ay dapat kumita ng hindi bababa sa €1,500-€1,700 kada buwan, lalo na kung kailangang magbayad ng upa o housing loan.
Para sa isang pamilya na may apat na miyembro, na kailangan ding magbayad ng buwanang bayad sa bahay, ang minimum na sahod ay hindi dapat bababa sa €3,000 kada buwan.
Basahin din:Colf at caregivers, magkano ang increase sa minimum wage ngayong 2024?
Ano ang average na sahod sa Italya?
Marami ang maaaring magulat sa katotohanang walang minimum wage sa Italya. Ayon sa datos ng Eurostat mula sa datos ng 2021, ang average na sahod sa Italya noong 2022/2023 ay halos €1,740 net o €2,479 gross kada buwan. Gayunpaman, karaniwang may karapatan ang mga workers sa Italya sa tinatawag na tredicesima o 13th month pay na ibinibigay sa buwan ng Decembre at ang quatordicesima o 14th month pay na ibinibigay sa buwan ng June. Sa pagkakaroon ng dalawang karagdagang sahod na nabanggit, ay mas tumataas ang average na sahod.
Ayon sa 2023 edition ng Job Pricing Observatory, ang average gross annual salary (RAL) sa Italya ay €30,284. Ito ay mas mataas kaysa sa Spain (€27,404), ngunit mas mababa kaysa sa France (€40,170) at Germany (€44,468 euros).
Bukod sa mga nabanggit, ayon sa yearly report ng INPS kamakailan (ang National Social Security Insurance ng Italya), 23% ng mga workers ang kumikita ng mas mababa sa €780 kada buwan. Samakatwid, ito ay nangangahulugan na tumaas ang agwat sa pagitan ng mababa at mataas na sahod.
Basahin din:Bagong taon, bagong trabaho sa isang bagong bansa? Aling bansa sa Europa ang may pinakamataas na minimum wage 2024?