Wangiri o missed call scam kilalanin at iwasan! Isang kilalang modus sa nakaraan ang mabilis na kumalat, nawala pero nagbabalik. Ito ay nagmula sa Japan at tinawag na wangiri o missed call scam. Kilalanin ang wangiri o missed call scam at iwasan!
Basahin din: Investment Scammers, target ang mga OFWs sa Italya. Narito ang mga modus operandi
Kilalanin ang wangiri scam
Sa Japan, ang salitang wangiri ay nangangahulugang “tumawag at itapon“, dahil, tulad ng nabanggit, pinaniniwalaang ang scam na ito ay nagsimula sa Japan at pagkatapos ay mabilis na kumalat sa buong mundo.
Ang layunin dito ng mga scammers ay tiyakin na ang biktima ay hindi magkakaroon ng pagkakataong sumagot sa tawag sa telepono upang ang biktima ay mag-call back.
Sa pagkakataong ito, ang tawag mula sa biktima ay dadalhin sa isang numero na may dagdag bayad kung saan isang pekeng automated customer service ang sasagot. Ang dagdag bayad ay tinatayang €1 o €2 sa loob lamang ng ilang segundo. At hindi dito nagtatapos ang modus! Bukod sa layuning makaltasan ng load ang biktima ay nais din ng scammer ang mapilit ang biktima na mag-activate ng subscription.
Sa katunayan, para mapilitan ang biktima na mag-return call ay nag-iiwan pa ng voice message. Bukod dito, kadalasang tumatawag ang mga scammers sa gabi, o sa oras ng trabaho upang mabawasan ang posibilidad na masagot ang tawag. Ang scam, sa katunayan, ay nagsisimula sa oras na ang biktima ay mag-call back sa natanggap na missed call.
Paano iiwasan ang missed call scam? Narito ang mga tips!
Natukoy na ng Interpol ang mga international prefix code na ginamit sa mga missed calls: Moldova: +373, Kosovo: +383, Tunisia: +216.
Sa kabilang banda, ang Panda Security, isang nangungunang kumpanya sa Italya sa larangan ng antivirus at antimalware, ay gumawa ng mga tips upang labanan ang mga hindi inaasahang tawag at iba pang panloloko sa telepono:
- Kilalanin ang numerong tumatawag sa website ng AGCOM, na nagbibigay-daan upang tiyakin na ang telephone number ay nakarehistro sa Registry ng mga Operator of Communication;
- I-block manually ang numero sa smartphone.
- Gumamit ng app tulad ng Truecaller, na available para sa Android at iOS, na awtomatikong sumasala ng mga incoming calls;
- Pirmahan lamang ang mga kinakailangang authorizations;
- Tanggapin lamang ang mga essential na cookies.
- Mahalaga rin na iwasan ang paglalagay ng sariling telephone number sa publiko hangga’t maaari at
- Iwasan ang mag-call back kung ang tumawag ay isang hindi kilalang numero, lalo na kung internasyonal ito.
Basahin din: Unknown international number na tawag sa WhatsApp? Dapat bang sagutin?