Ilang taon kailangang magtrabaho para sa matanggap ang pensiyon sa Italya? Upang magkaroon ng pensiyon sa Italya, bukod sa pagsapit sa tinatawag na pensionable age, ay kinakailangan din na makatupad sa minimum na taon ng pagbabayad ng kontribusyon. Ito ang mga pangunahing requirements upang matanggap ang pensiyon sa Italya.
Basahin din: Holidays at long-weekends? Narito ang mga Public Holidays 2024 sa Italya
Tulad ng karamihan sa mga bansa sa Europa, ang Italya ay nakakaranas ng problema sa demograpiya, na tumutukoy sa pagtanda ng sosyedad. Sinusubukan ng gobyerno ng Italya na iligtas ang sistema ng pensiyon sa bansa sa iba’t ibang paraan. Isa sa mga ito ay ang paunti-unting pagtaas ng edad sa pagtanggap ng pensiyon at ang pagpapahaba ng minimum na panahon ng pagbabayad ng kontribusyon.
Basahin din: Day off ng mga domestic workers sa Italya, narito ang regulasyonÂ
Sa taong ito sa Italya, ang requirements sa edad ng pagreretiro ay mananatili pa rin sa edad na 67 anyos at pareho ito para sa mga babae at lalaki. Ito ay isa sa pinakamataas sa European Union. Ngayong 2024, tulad noong nakaraang taon, ang minimum na kinakailangang panahon ng pagbabayad ng kontribusyon para sa social security ay 20 taon.
1996, mahalagang taon para sa sistema ng pensiyon sa Italya
Ang sistema ng pensiyon sa Italya ay patuloy na nasasailalim ng batas ng 2011 bagaman ilang beses na itong na-amyemdahan. Para maging kwalipikado sa state pension o pensione di vecchiaia, ang requirement sa taon ng pagbabayad ng kontribusyon ay hindi bababa sa 20 taon at ang required age ay 67 taon. Gayunpaman ang prinsipyong ito ay para lamang sa mga indibidwal na nakapagbayad ng hindi bababa sa isang linggo na kontribusyon bago ang taong 1996.
Kung ang unang mga kontribusyon sa social security sa Italya ay binayaran pagkatapos ng January 1, 1996, ang halaga ng pensiyon (na kinikilala batay sa ibinayad na kontribusyon) ay dapat na higit o mas mataas (isa at kalahating beses ) kaysa sa social pension o assegno sociale. Ang halaga ng social pension ay itinatakda taun-taon ng INPS. Sa taong 2024, ang halagang ito ay umabot sa €534.40 kada buwan. Kung ang kalkuladong pensiyon ay mas mababa kaysa sa nabanggit na halaga, sa ilang mga kaso, ay kinakailangan pa ring magtrabaho hanggang sa edad na 71 taong gulang.
Early retirement 2024 sa Italya
Ang Budget Act para sa 2024 ay nagbibigay ng maraming pagbabago sa ukol sa pagtanggap ng pensiyon sa bansa, partikular sa mga kababaihan. May posibilidad na magtrabaho sila ng mas maikling oras. Sa kasalukuyan sa Italya, ang mga babaeng ayaw magtrabaho hanggang sa edad na 67 ay may tatlong opsyon na mapagpipilian: ang early retirement program na tinatawag na Quota 84, maaari rin silang magretiro ng maaga salamat sa extension na “Opzione donna” o ang programang “Ape sociale” para sa mga kababaihan.
Source: INPS