Ang limitasyon sa cash payment ngayong 2024. Sa mga nakaraang taon, ang limitasyon sa paggamit ng cash payment sa Italya ay ibinaba sa layuning mabawasan ang pag-iwas sa buwis na mga mamamayan, lalo na sa mga transaksyon sa pagitan ng mga pribado at professionals at mga business transactions.
Pagkatapos nito, may ilang hakbang na ginawa din ang gobyerno na nag-uudyok sa paggamit ng mga traceable payment tulad ng mga debit card o ATM ngunit ang nakagawian na paggamit ng cash ay mahirap nang burahin sa Italya. Narito ang limitasyon para sa cash payment ngayong 2024.
Basahin din: Pera sa bank account sa loob ng 10 segundo at walang additional fee kahit weekend, aprubado sa Europa
Hanggang magkano maaaring magbayad ng Cash Payment ngayong 2024?
Isa sa unang mga aksyon ng gobyerno Meloni ay ang pagtaas ng limitasyon ng cash payments sa Italya, sa kabila ng pagtutol ng European Commission.
Ang itinakdang limitasyon sa cash payment simula December 6, 2011 ay €999.99. Pagkatapos, simula January 1, 2019, ito ay itinaas hanggang €2,999.99.
Hanggang sa maipasa ang decree law no. 124 noong October 26, 2019, kung saan nasasaad:
- mula July 1, 2020 hanggang December 31, 2021, isang limitasyon sa cash payment na €1,999.99;
- mula January 1, 2022, maximum sa cash payment na €1,999.99, na aprobado sa decree Milleproroghe;
- mula January 1, 2023, limitasyon sa cash payment na €4,999.99;
- mula January 1, 2024, kinumpirma ang maximum na limitasyon ng cash payment hanggang sa €5,000.
Samakatwid, matapos itaas ang limitasyon sa pagbabayad ng cash sa halagang €4,999.99 ng Budget law 2023, para sa taong 2024 ay wala itong naging pagbabago.
Ang limitasyong ito ay para din sa mga donasyon at pautang na pera na ibinibigay sa mga kamag-anak, kahit na ang mga pagbabayad ay hulugan o ‘a rate’.
Limitasyon ng Cash na maaaring dalhin ngayong 2024
Kasama sa regulasyon ng paggamit ng cash payment ay dapat isaalang-alang na may limitasyon din sa halaga ng cash na maaaring dalhin sa wallet o sa bag. Ito ay sakop ng limitasyong itinalaga para sa cash payment o ang halagang €4,999.99.
Basahin din: Investment Scammers, target ang mga OFWs sa Italya. Narito ang mga modus operandi
Exemption sa limitasyon ng Cash Payment 2024
Isang mahalagang exemption sa kasalukuyang regulasyon ay ang mga foreigners na hindi residente sa Italya. Sila ay maaaring gumawa ng cash payments hanggang sa €15,000, lalo na sa mga retail transaction, travel agencies at mga operators sa sektor ng turismo. Gayunpaman, ang mga operations na ito ay dapat ipagbigay-alam sa Agenzia dell’Entrate, upang matugunan ang transparency at tax compliance.
Limitasyon ng Cash Payment 2024, walang pagbabago sa Money Remittance
Bagamat may limitasyon sa cash payments, ilang partikular na sektor ang nananatiling may mas mababang limitasyon. Halimbawa, ang mga serbisyo ng Money Transfer na nananatili ang limitasyon sa €1000,00 at ang sektor ng “Compro Ora” na ang limitasyon ay nananatiling €500. Ang mga nabanggit na limitasyon ay itnakda ng batas D. Lgs. 92/2017 upang maiwasan ang mga hindi regular na financial transactions.
Maaari bang mag-withdraw ng higit sa €5,000 mula sa bank account?
Sa kaso ng pagwi-withdraw na lampas sa limitasyon ay maaaring humingi ang bangko ng paliwanag at, batay sa magiging tugon ay magpapasya kung itataas ito sa Unità di Informazione Finanziaria para sa anti-money laundering.
Sa kaso ng paglabag sa kasalukuyang limitasyon ng cash payment o para sa mga tumatanggap nito ng higit sa itinakda ng batas ay mumultahan mula €3,000 hanggang €5,000.