Inaprubahan sa Konseho ng mga Ministro nitong January 31, 2024 ang paglulunsad sa Italya ng IT Wallet, o ang digital wallet. Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa digitalization ng mga serbisyo sa Italya na nangangailangan ng pagbibigay ng wastong impormasyon sa mga mamamayan. Narito ang mga detalye kung ano ang IT Wallet, bakit ito isang pambihirang pagkakataon, at higit sa lahat, bakit ito mahalaga para sa mga mamamayan.
IT Wallet, ano ito?
Ang IT Wallet ay isang digital wallet sa smartphone kung saan maaaring ilagay ang lahat ng mga personal documents. Ito ay isang national digital wallet na magpapaigting sa gamit ng APP IO na maglalaman ng mga cards at lahat ng uri ng public documents. Layon nitong padaliin ang pag-iingat sa kopya ng mga personal documents at magpapahintulot na mailagay ang lahat ng mga digital version ng mga pinakamahahalagang dokumento sa loob mismo ng smartphone kabilang ang carta identità elettronica, tessera sanitaria, European disability card, pati na rin ang pasaporte, voter’s ID, mga diploma at mga medical check-ups.
May budget na tinatayang € 1.7B, inaasahang babaguhin ng IT Wallet ang paraan ng access ng mga mamamayan sa public services. Ito ang pinakabagong ebolusyon sa pamamahala ng mga personal documents at isang pambihirang pagkakataon tungo sa digitalization.
Inaasahang magpapatuloy ang initial phase hanggang June 2024, kung kailan sasailalim ang IT Wallet sa mga technical tests. Inaasahan din ang mga unang feedbacks mula sa mga mamamayan. Ang panahong nabanggit ay mahalaga upang masigurado na tama, madali at ligtas ang functions ng platform. Ang offiicial release nito ay inaasahan sa June 2024. Hanggang October 2024, ang mga mahahalagang dokumento tulad ng carta d’identità at tessera sanitaria ay magiging bahagi na ng digital wallet. Sa pagtatapos ng 2024 at sa pagsisimula ng 2025, ay maidadagdag na sa digital wallet ang iba pang dokumnìento tulad ng driver’s license at voter’s ID.
Magiging available ang mga pangunahing serbisyo ng wallet na may level 2 security, o ang pagkakaroon ng username, password at one time pass code. Samantala, ang mga dokumento na naglalaman ng mahahalagang impormasyon ay magkakaroon ng level 3 security.
Basahin din: Nangangamba sa bill ng kuryente at gas? Ang mga dapat malaman ukol sa Bonus Luce at Gas 2024
IT Wallet, paano ang access?
Kailangan ang pagkakaroon ng smartphone o tablet at internet pang magkaron ng access sa IT Wallet. Mahalaga na i-download ang App IO, ang App ng public services sa bansa na inilunsad noong 2020. Ang access sa IT wallet ay sa pamamagitan ng APP IO, gamit ang Spid o CIE.
IT Wallet, bakit mahalaga ito para sa mga mamamayan?
Bagaman hindi pa malinaw kung ang paggamit ng IT Wallet ay gagawing mandatory sa kasalukuyan, inaasahang ito ay magiging isang pambihirang serbisyo para sa mga mamamayan. Sa hinaharap, layuning gawin ang IT Wallet bilang pangunahing elemento para sa access sa mga public services at benefits, pag-isahin nito sa iisa at siguradong platform ang mga pangunahing dokumento at tuluyang papadaliin nito ang proseso ng birokrasya sa bansa.
Basahin din: Nais magkaroon ng sariling bahay sa Italya? Ilang taon ng sahod ang kailangan?