Sa tuwing magsisimula ang taon, isa ang ISEE declaration na dapat pag-ukulan ng pansin hindi lamang ng mga magulang bagkus pati ng mga anak na nag-aaral at papasok sa unibersidad. Ito ay isang mahalagang dokumento na nagpapakita ng kalagayang pinansyal at ng mga ari-arian ng bawat pamilya at indibidwal, na magtatalaga kung anu-ano ang mga benepisyo na maaaring matanggap bilang pamilya o indibidwal at bilang mag-aaral, partikular ang university scholarship o borsa di studio. Narito ang limitasyon sa ISEE Universitario at ang halaga ng scholarship.
Basahin din: Dalawang bonus para sa mga kabataan sa Italya. Narito kung paano matatanggap ang Carta Cultura Giovani at Carta del Merito
ISEE Universitario 2024
Pagkatapos makapasa sa entrance test, na karaniwang ginagawa sa buwan ng Setyembre, maliban sa TOLC MED at VET, ang mga freshmen ay dapat gawin ang pagpaparehistro o enrollment sa unibersidad.
Sa iba’t ibang mga ‘bando’ o announcement ng iba’t ibang kurso ng kolehiyo sa Italya, ang lahat ng mga university student ay dapat magbigay ng kanilang ISEE declaration sa panahon ng kanilang registration. Kung kaya’t inirerekomenda ng mga unibersidad sa mga mag-aaral na gawin ang nasabing dokumento nang maaga.
Ang ISEE, o ang “Equivalent Economic Situation Indicator” ay tumutukoy sa kalagayang pinansyal at ari-arian ng buong pamilya. Mahalaga ang ISEE para makatanggap ng mga social benefits mula sa gobyerno o para magkaroon ng access sa mga public utility services.
Ang halaga ng ISEE 2024 ay ibabatay sa mga impormasyon ng nakaraang taon, 2023. Ang aplikante, sa pamamagitan ng ISEE, ay nagdedeklara ng sariling kita at ari-arian, kasama na rin ang kaniyang buong pamilya. Kailangang mag-aplay nang maaga sa isang authorized tax assistance center o CAF. Ang kalkulasyon ng ISEE 2024 ay mahalaga upang matanggap ang mga pribilehiyo sa mga university expenses. Matatandaang ang mga unibersidad sa Italya ay may income brackets, at ang mga ito ay may angkop na halaga ng tuition fee. Ang mga ito ay mahalaga sa pag-aaplay ng scholarship.
Magpapatuloy sa ibaba ng larawan.
Paano kinakalkula ang ISEE Universitario?
Tulad ng nabanggit, kinakalkula sa CAF ang ISEE para sa Unibersidad. Ang nabanggit na tanggapan ang magbibigay ng form na ipi-prisinta sa unibersidad. May iba’t ibang deadlines ang bawat unibersidad para sa pagsa-submit ng ISEE, kaya’t mas mabuting bisitahin ang kanilang mga website para sa tamang impormasyon.
Sa nakaraan, iisa lamang ang ISEE para sa lahat ng benepisyo, ngunit sa kasalukuyan, may apat na bagong magkakaibang form, batay kung saan ito gagamitin. Isa sa mga ito ang ISEE ng Unibersidad na may malaking tulong para sa mga mag-aaral dahil nagbibigay ito ng pagkakataong mabasawan ang bayarin sa university taxes at pagkakataon ding makatanggap ng mga benepisyo tulad ng tulong pinansyal para sa pag-aaral o ang scholarship.
Basahin din: Bonus, matatanggap din para sa ating mga mahal na ‘pets’. Narito ang Bonus Animali Domestici 2024
Limitasyon ng ISEE at halaga ng scholarship
Para sa scholastic year 2023-2024, tumaas ng halos €2000,00 ang maximum limit. Nangangahulugan na upang matanggap ang borsa di studio, ang ISEE Universitario ay dapat na hanggang €26,306,25 at ang IPSE Equivalent Property Situation Indicator naman ay hanggang € 57.187,53.
Tumaas din ang kaukulang halaga ng scholarship o borsa di studio :
- € 2682,77 – higit ng € 201,02;
- € 3.889,99 – para sa mga commuters na higit ng € 291,48;
- € 6.656,52 – para sa mga non-resdients (fuori sede) na higit ng € 500,00
Ang limitasyon ng ISEE at halaga ng scholarship para sa scholastic year 2024-2025 ay inaasahang ilalabas sa mga susunod na buwan.